SWP ng Isang Martyr
October 30, 2017Mahal, nahihirapan ka ba?
Nahihirapan ka bang lumapit sa akin kapag ako'y nasasaktan na?
Nahihirapan ka bang lumapit sa akin kapag luha ko'y bumubuhos na?
Mahal, mahirap ba?
Mahirap ba itong gawin?
Alam mo ba
Na iyon lang naman ang nais ko?
Alam mo ba
Na maging kasalanan mo man o hindi, basta't lapitan mo lang ako, maging okay na 'ko?
Alam mo ba
Na kahit ilang beses mo na akong napaiyak, ayaw pa rin kitang bitawan?
Alam mo ba
Na sa tuwing ako'y umiiyak, isang "ayos ka lang?" ang nais kong marinig?
Alam mo ba
Na kahit ilang beses mo pa akong saktan at paiiyakin, hinding hindi kita susukuan?
Alam mo ba
Na ang tanging kinatatakutan ko lamang ay ang araw ng pag-alis mo?
Pero mahal, alam mo ba?
Nung araw na sinabi mong ayaw mo na,
Wala na akong nagawa
Humingi ako sayo ng pangalawang pagkakataon noon
Pangalawang pagkakataon
Upang tayo ay magsimula ulit
Pangalawang pagkakataon
Upang ako ay maaaring magbago pa
Pangalawang pagkakataon
Upang maitupad ko ang pangako ko
Naalala mo ba?
Naalala mo ba ang pangako ko, mahal?
Nangako akong hinding hindi na kita iiyakan
Nangako akong hinding hindi na ako magseselos pa
Mahal, hindi mo ba iyon nakita?
Mahal, hindi na kita iniyakan
Mahal, hindi na ako nagseselos
Pero mahal, bakit mo pa rin ako iniwan?
Patawad
Dahil hindi ko mapigilang iyakan ka noon
Patawad
Dahil buong akala mo'y ikaw ang may sala
Patawad
Dahil sa mga oras na iyon, pinipilit kong huwag ibuhos ang mga luha
Patawad
Dahil masyado akong nadala sa takot na mawala ka
Patawad
Dahil buong puso kitang minahal na nakalimutan ko pang mahalin ang aking sarili
Mahal, pasensya na't umabot pa tayo sa ganito
Pasensya na't tayo'y nabigo
Pasensya na't akala ko'y tayo ay para sa isa't isa
Pasensya na't buong akala ko'y tayo'y tatagal pa
Mahal
Sa tuwing malungkot ka, nalulungkot rin ako
Sa tuwing nandyan ka, masaya na ako
Pero mahal, naintindihan ko
Naintindihan ko ang iyong ginawa
Naintindihan ko kung bakit mo iyon ginawa
Naintindihan ko kung bakit kailangan mo iyon gawin
Naintindihan ko pero nasasaktan ako
Minsan naisip ko
Kung may maibabalik pa ba tayo
Mahirap ka mang kalimutan,
Mahirap ka mang bitawan,
Mahirap man hindi umasa,
Ngunit madali namang mangarap, hindi ba?
Kaya mahal, salamat nalang
Salamat sa mga oras na ako'y iyong pinaligaya
Salamat sa mga oras na lagi kang nandyan
Salamat sa mga titig mong walang sawa akong tinutunaw
At higit sa lahat,
Mahal,
Salamat
Dahil sa dinami dami,
Natuto mo pa rin akong mahalin.
—c.n.
0 comments